Halu-halong backlog

December 29, 2007

Normally, hindi ako natutuwa sa disorganized na mga sulatin na gagawing entry sa blog, bilang bahagi ng aking attempt na mag-professionalize (haha). Pero kasi ang dami nang nangyaring hindi ko naisulat nang maayos, at pilit na kapag ipupursige ko pang gawing mga komentaryong may dangal. Kaya kunwari na lang, sa post na ito na halu-halong backlog, nasa friendster ako o multiply at basically nag-eexpress lang ng sarili para sa mga kaibigan, o sinuman sa mundo na may mapupulot dito, at higit sa lahat, para sa sariling hindi na nakakayanang sarilinin ang mga bagay-bagay. Tutal, bakasyon naman. And I badly need a break from my formal (writing) self. Pagpatak na ng Enero 1 ang pagbabalik sa top form, sa good running condition, sa pangangarir, ika nga. Sa ngayon, jolog lang tayo sabi ng utak ko.

* * *

img_7801.jpg

Isang mahalagang proyekto ang sinawsawan at natapos nang halos hindi ko namalayan. Ito ang Surfacing: Photo Project on the Lives of the Families of Desaparecidos ng Projekt Desap. Makikita ang mga photo essay dito. Ang akin, pinamagatang “The Hint of a Beginning,” ay tungkol kay Noki, anak nina Prudencio Calubid at Celina Palma. Konsultant ng National Democratic Front of the Philippines si Calubid. Dinukot ang mag-asawa, kasama nina Gloria Soco, Ariel Belo, at Antonio Lacno, noong Hunyo 28, 2006. Basahin ang salaysay ng pagdukot dito.

Sa pagsunud-sunod kay Noki, natuklasan ko, gaya ng aking hinala, na sadyang may mundo ng kahulugan na hindi nahahabol ng kamera. O hindi ako siguradong nahabol nga ba ng aking kamera. Kayo na ang humusga. Ang mahalaga sa akin, sa proyektong ito, ang pakikipagkaibigan sa isang taong labis kong ikinatuwa, pangunahin dahil sa taglay na kontradiksyon at potensiyal ng kanyang karakter.

Pasaway na masunurin. Minsan mabulalas, minsan makimkim. Parang batang uhaw sa kaalaman at karanasan pero binatang cool na cool ang pagdadala sa sarili. Bumubulwak ang galit sa di inaasahang mga sandali. Mabait na bugnutin. Di nagpapakita kapag lumuluha. Masipag sa gawain pero tumatakas din.

At trip ko ang pagkusot ng kanyang makakapal na kilay na lagi niyang ginagawa. Hahaha.

Nakaka-miss din, ang maging paparazzi. Ang magpakaabala sa buhay ng iba. Pakiramdam ko nga, hindi ako nakalubog nang husto, nang gusto ko. Maraming ibang ginagawa, sabayan pa ng personal na trobol. Pero nakapaglaan din ng sapat-sapat na panahon. Kasama na ang ilang oras na paghihintay kapag late siya. Na honestly okay lang sa akin noon dahil nagkaroon ako ng excuse na tumunganga lang at mag-isip sa problemang kinabaliwan ko. Hehe.

Sa susunod kaming magkita, sabi ko ipahihiram ko sa kanya ang Six Young Filipino Martyrs at bibigyan ng xerox ng “Kabilang sa mga Nawawala,” short story ni Ricky Lee tungkol sa mga desap na nabasa ko kamakailan at iniyakan ko. Matatapos na raw niya yung libro ni Mao, na kinopyahan pa niya ng mga quotation.

Nagpunta akong Christmas party ng Desap sa Bantayog ng mga Bayani noong 28 para iabot sa kanya ang print at file copy ng mga litrato. (Noon ko lang rin nakitang nailadlad nang buo ang tarps ng Surfacing. Sayang at kaunti lang ang nakakita. Pero marami pa namang venue ang exhibit.) At natuwa ako, may regalo siya sa aking bead bracelet na galing sa probinsya. Akalain mong sweet pala ang aking alaga. :-)

Salamat, Noki. Sa pagpapahintulot sa aking panoorin, at pag-eksperimentuhan ang maliit na kakahayan kong ipapanood sa iba, ang kakaiba mong pighati, sigla, at tapang–ang iyong hindi pagiging simpleng biktima.

FYI, napanood daw ni Gen. Jovito Palparan yung video wall ng Surfacing sa Robinson’s Galleria noong Human Rights Week. Siyempre walang talab ang sining sa mga walang kaluluwa. Sa mundo ng mga dapat, wala siyang armas at mga bodyguard at lahat ng mga kaanak ng mga desap ay naroroon, may malalaking batong hawak.

* * *

Na-dismiss na ng Davao Regional Trial Court ang kasong sibil para sa damages na isinampa sa amin ng tatay ko ng Lapanday Development Corporation, isang malaking kompanyang agrikultural na may-ari ng malalawak na sagingan sa Mindanao. Basahin ang istorya dito (Inquirer), dito (GMAnews.tv) at dito (Davao Today). Nakahinga na ng maluwag ang nanay ko. Hindi na raw mareremata ang bahay namin. Hahaha.

Siyempre may mas malalim akong mga nararamdaman hinggil dito, pero ibubuhos ko na lang sa di kopa matapus-tapos na photo essay hinggil sa patuloy na paglalason ng mga residenteng nakatira sa may mga sagingan sa Davao del Sur. At doon sa video documentary na ginagawa namin na di pa rin matapus-tapos. Hindi naman kasi namin (or at least ng tatay ko) tinantanan ang Lapanday and all other “United Fruit Company”-type plantations for that matter, kahit pa may kaso. Kaya siguro gigil na gigil sila sa amin (or at least sa kanya), ni hindi nga nag-attempt makipag-settle (as if din naman tatanggapin namin). Mabuti na lang minsan sinosorpresa pa tayo ng sistema ng hustisya dito. Pero yun nga, wala naman talagang tunay na hustisya para sa mga tunay na inapi at patuloy na inaapi. Hayun, dahan-dahan pa ring namamatay sa pestisidyo ang mga taga-Digos, habang walang kasing-bilis at dulas ang pagpasok ng tubo sa mga sagingang pang-export. At sila pa ang may ganang mang-habla.

* * *

Bagong taon na. Kaliwa’t kanan ang mga payo hinggil sa makabubuti kong gawin sa yugtong ito ng buhay ko. Salimbayan din sa aking kalooban ang mga dapat, di-dapat, gusto, ayaw, kinatatakutan, kinasasabikan.

Dapat umusad, umunlad. Di-dapat maparalisa o magpatali sa mga pagkakamali ng nakaraan at mga agam-agam sa hinaharap. Alam ang gusto pero ayaw pang tanggapin. Alam ang ayaw pero ginugusto pa rin. Natatakot sa naghihintay na mga pangarap at sa kakayahan/walang-kakayahang maabot ang mga ito. Nasasabik din, kahit sumubok man lang. Baka sakaling, lumigaya muli. Baka sakaling, matahimik na rin.

Baka sakaling may magbago. O baka sakaling may bago.

Ang alam ko lang sa ngayon, maraming kailangan paghusayan sa gawain–may bagong era of sorts sa Pinoy Weekly. Kailangang pagtulung-tulungan. At susundin ko na ang dakilang habilin ng dakilang mga kaibigan. In my own words (and this is as jolog as it can get now): let loose with granny goose/let it be with jollibee. Sa pagsusulat, sa pagkilos, sa lahat-lahat. At sumabay na lamang ang may bet, o may kaya. Or mag-isa kung wala talaga. Sabi nga nila, as a writer, you can never have enough solitude. Of course, that maxim could just be a defense mechanism for the lonely and insecure like so many things are. Hahaha. Okay, enough. Baka masyado nang nag-eenjoy ang nakatokang mangolekta ng aking online dossier sa paglalahad ko sa sarili na totally out of character. Hope to resume, er, professional blogging soon.

Entry Filed under: Personal stuff. .

3 Comments Add your own

  • 1. Kapirasong Kritika  |  January 3, 2008 at 4:20 am

    Please consider this as a red mark from a blogger friend: Kung anu-ano nga! Hehe. Pero iba nga ang pagkakasulat nito. Ganyan talaga: birth pangs ng paglaya. Hehe.

  • 2. Aaron  |  January 18, 2008 at 8:16 am

    Halo-halong kalamay na nang lumabas ay masarap! nagba-blog na (naman!) ako hehehe

  • 3. mamamahayag  |  January 18, 2008 at 1:40 pm

    Hi Aaron, kamusta diyan, sige bisitahin ko blog mo. :-)
    Teo, you are welcome to watch me labor. Hahaha. :-)

Leave a Comment

hidden

Some HTML allowed:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>

Trackback this post  |  Subscribe to the comments via RSS Feed


Recent Posts

Categories

Recent Comments

apple martin on About
drummer on Bukas na liham sa mambabasa ng…
krguda on Espasyo para kay Ka Bel
mamamahayag on Our Bayani
Anonymous on The valiant farmers of Central…

Archives

Links

RSS Recent Pinoy Weekly articles

RSS Recent Photos