Midya, magsasaka at ang unang eksena ng 2008
January 18, 2008
Hindi siguro inakala ng mga taga-midya, na malamang noon ay bumubuwelo pa lamang sa pagkokober ng isa na namang taon ng mga sakuna at kontrobersiya, na magiging bahagi sila ng unang malaking eksena ng 2008. Isang advisory na inilabas ng Department of Justice ang nagbabala: ituturing na kriminal ang sinumang miyembro ng midya na susuway sa utos ng pulisya o militar sa panahon ng emergency. Ang sitwasyong-krisis sa mga rebeldeng sundalong Magdalo sa Manila Pen noong Nobyembre 29 at ang papel ng midya na nanatili sa loob ng otel nang sinalakay ito ng mga awtoridad ang pinaghalawan ng babala. Agad umalma ang mga grupo ng mga mamamahayag at lahat ng mga naniniwalang hindi dapat ikriminalisa ang trabahong ihatid sa mga mamamayan ang balita.
Makaraan ang ilang araw, marahil dahil na-presyur si DOJ Sek. Raul Gonzalez na ipaliwanag ang kautusang lubos na kinamumuhian lalo ng mga naniniwala sa liberal na demokrasya, isang destabilization plot o planong patalsikin sa poder si Arroyo ang inilahad na dahilan ng pagbababala sa midya. Ang petsa: Enero 22, ika-21 anibersaryo ng Mendiola Massacre. Huling araw ito ng Lakbayan o Martsa para sa Lupa, Pagkain, at Hustisyang Sosyal ng mga magsasaka mula pa sa malalayong rehiyon ng Timog Katagalugan, Bikol, Gitnang Luzon, Cagayan Valley, at Hilagang Luzon. Puntirya ng libu-libong mga magsasaka ang Mendiola, oo, pero hindi sila nahihibang isipin na mapapatalsik nila sa pagkilos na iyon ang isang pangulong, sa tuso at dahas, ay walang dadaig sa pagkapit sa kapangyarihang nakaw. Nais lamang nilang idaing kay Arroyo, tulad ng mga magsasaka noong 1987 kay dating pangulong Aquino, ang gutom at kawalang-hustisya na patuloy na namamayani sa kanayunang di pagmamay-ari nilang mga naglilinang ng lupa.
Pero heto na’t may tangkang busalan ang midya. Heto na’t inaresto ang limang sundalo na binansagang kasamahan ng mga rebeldeng Magdalo at diumano’y nasa akto ng paghahatid ng mga armas (Ang nabawing tatlong riple laban sa 10,000 pulis na ipapakalat sa Mendiola?) Ginagawa ng gobyerno ang lahat para mag-anyong destabilization plot ang isang lehitimong protestang kinakatawan ang nag-uumapaw na diskuntento ng mga mamamayan sa pang-ekonomiya at pampulitikang lagay ng bansa. Paulit-ulit na ang tugon ng mga lider ng oposisyon na ilan beses nang pilit idinawit sa parehong mga balak diumano. Ayon kay Anakpawis Rep. Crispin Beltran: “Anong gagawin namin sa gobyernong na-destabilize na ang sarili niya?”
Walang simpatiyang makukuha si Arroyo mula sa publikong sawa na, hindi sa mga protestang kung tutuusin maliliit at kakaunti pa, kundi sa gobyernong baon na sa leeg sa sariling kawalanghiyaan, mahilig pang mag-imbento ng mga multong nagsasawira lamang sa alaala ng pinakamarurumi nitong krimen. Marami na ang humihiling noon pa man ng pagpapatalsik sa pangulo, bakit sila susuporta sa praning na mga hakbang para pigilan ang isang pinagbibintangang plano?
Sa kabuuan, at pinatutunayan ng kasalukuyang pagtrato sa Lakbayan, wala nang pagbabalatkayo ang pagmamalupit ng gobyernong Arroyo sa mga magsasaka, na mayorya ng mga Pilipino. Tuwing sila’y nagsasama-sama sa lansangan, tinatawag silang mga destabilizer at binabalewala ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa. Tuwing sila’y nagsasama-sama sila sa kanayunan, tinatawag silang mga NPA, tinotortyur, at pinapatay (Ang pinakahuli ay si Teldo Rebamonte, dinukot ng Regional Mobile Group sa Masbate at natagpuan ang bangkay noong Enero 12).
Pero noong Disyembre lamang, ginamit ang mga magsasaka ng Sumilao, Bukidnon, para ibida ang Comprehensive Agrarian Reform Program at muling magmukhang maka-magsasaka (Huli niyang tinangka ito nang maglabas ng mga campaign poster na nag-aani siyang kuno, kumpleto ng kamisa-de-chino at sombrero). Nagdeklarang ibabalik ang lupaing kinamkam ng San Miguel Foods Inc. sa kanilang mga nagmartsa ng 1,700 kilometro makarating lamang ng Malakanyang. Ngayon, nasa Maynila muli ang 12 sa mga magsasaka para ireklamong di itinigil ng kompanya ang konstruksiyon sa kanilang lupa sa kabila ng utos ng pangulo.
Hindi mga destabilizer sa mata ng DOJ ang 55 magsasaka ng Sumilao, na may pareho namang karaingan sa 5,000 magsasakang naglakbay din at magpoprotesta sa Enero 22. Tulad ng mga bata sa Payatas at iba pang mukha ng karalitaan na pana-panahong niyayakag sa tabi ng pangulo, kinailangan ang mga magsasaka para likhain ang imahe ng pagka-mesiya ni Arroyo, na sa puntong ito ng kanyang pamumuno (isaisip na lamang ang P728-M Fertilizer Fund Scam) ay lalong nagiging kasuklam-suklam makita sa telebisyon o dyaryo. Kinailangan din ni Arroyo ang midya. Bagkus, hindi mga kriminal kung ituring ang mga mamamahayag na nagkober sa pagkawala ng hapis ng mga magsasakang pinaunlakan at pinangakuan ng pangulo, kahit di ito totoong balita (ang Manila Pen takeover ay kaganapang aktuwal, ang land takeover ay di maitaga sa bato maging ng Department of Agrarian Reform). Ito ang istabilidad sa pamamagitan ng panlilinlang—mabilis at mapayapa, bagaman pansamantala.
Ang istabilidad sa pamamagitan ng pananakot at dahas naman ay inirereserba para sa mga ayaw magpalinlang—tulad ng mga taga-midyang piniling maging saksi sa isang mahalagang pambansang krisis, tulad ng mga magsasakang tinraydor ng CARP at piniling iasa sa sariling lakas ang paggiit sa karapatan sa lupa’t pagkain. Parami nang parami ang mga tulad nila, kaya di nakapagtataka na ang eksenang sumalubong sa 2008 ay karugtong lamang ng maiigting na eksena ng tunggalian ng nakaraang mga taon.
Bilang mamamahayag, umaasa akong ikokober ko ang isang taon di lamang ng mga sakuna at kontrobersiya, kundi ng tagumpay ng mga di nagpapaloko at naghahanap ng istabilidad sa pamamagitan ng hustisya, na siyang tanging nagtatagal at para sa lahat.
Entry Filed under: Journalism, Politics, Sectoral issues. .
3 Comments Add your own
Leave a Comment
Some HTML allowed:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>
Trackback this post | Subscribe to the comments via RSS Feed
1.
en | February 13, 2008 at 6:34 am
hi ilang.oo nga miss ko na pinas, sangkatibakan.pero oks lng naman nakakabasa naman ako lagi sa blog ninyo kaya nakakaupdate minsan.uy dalasan mo naman magpost ng pics sa blog mo.
2.
krguda | March 15, 2008 at 4:39 pm
narinig mo na si en — dalasan mo daw pagpost ng pics (at entries) sa blog mo.hehe. =)
3.
mamamahayag | March 18, 2008 at 2:50 pm
Opo. Hinahanapan na po ng oras, salamat sa pagpansin.