Espasyo para kay Ka Bel
May 20, 2008
Nakalabas na sa imprenta ang sa tingin kong isyu ng Pinoy Weekly na may pinakamagandang cover sa aming munting kasaysayan. Tampok dito ang larawan ni Ka Bel, kulay sepia. Bata-bata pa siya, nagsasalita bilang bise-tagapangulo noon ng Bagong Alyansang Makabayan. Kuha ni Boy Bagwis. Nang ipinipinal ang lay-out kanina, hindi pa rin ako makapaniwala. Patay na si Ka Bel.
Natanggap ko ang balita nang kanyang pagkakasugod sa ospital nang maaga-aga, pasado alas-nuwebe. Nagtext ang isang kaibigan, ano raw ba ang nangyari kay Ka Bel. Sabi ko, wala akong naririnig, bakit? Iyon pala, ang utol niya’y doktor sa FEU hospital–mula noon, blow-by-blow account na. Nariyan pa ang pagkalito, sa mga sandali pasado alas-11. Salitan ng balitang patay na, at brain dead lang. Ang malinaw, gamot na lang ang nagpapatibok ng puso. Maya-maya pa, ang kupirmasyon. Lumabas na rin sa TV, nagsalita ang pamilya.
At nagsimula na, tulad ng inaasahan, ang pagdating ng mga mensahe ng pakikiramay, ng pagpupugay. Mula sa iba’t ibang sektor, personalidad. Remat ng mga istoryang ipinlano. Halukay ng mga lumang litrato. Pagsasariwa ng kasaysayan ng magiting na lider-obrero. Salin ng pinakamabilis na lumabas na personal na sanaysay, mula kay Ina Silverio, matagal niyang nakatrabaho. Isang buhay na punum-puno, pilit isiniksik sa kakaunting espasyo.
Huli kong nakita si Ka Bel sa parangal para kay Nanay Mameng noong nakaraang linggo. Naaalala ko pa, saktong lumabas ako para mag-CR nang siya na ang magsasalita. Tapos nakipagtsikahan na sa mga kasama sa labas, tutal magtatapos na ang programa. Hirit pa namin, naku asa pang magtatapos na nga ang programa at makakakain na–kapag si Ka Bel ang nagsasalita, tiyak na dodoble ang haba. Iyon pala, simula kanina, wala nang karugtong pa ang kanyang mga pananalita.
Hindi kami nagkalapit nang husto ni Ka Bel tulad ng maraming mga kasama. Pero may mga sandali ng ugnayang di malilimutan. Sa The Netherlands noon, kasama namin siyang magliwaliw sa mga lansangan ng Amsterdam (oo, sa red light district pa nga) at sa pagpunta sa Luxembourg para sa pagdinig ng kaso ni Joma. Hindi ko na masyado maalala ang mga pinag-usapan namin noon, basta’t alam ko, mayroon kaming masayang litrato sa pinagbilhan ng masarap na Belgian fries. (Hehe)
Sa kanyang pagkakapiit noong 2006, nakapanayam ko siya sa Camp Crame–di ako nagpakilalang mamamahayag, kasagsagan noon ng PP 1017. Doon ko siya unang nakitang protektado ng pampamilyang pagmamahal. Bago ako kapanayamin, isinuot pa niya muna ang kanyang cap na Anakpawis, na para bang pormal na kumakatawan ng persona, kahit wala naman kamera. Sa totoo lang, mahirap kapanayam si Ka Bel–maligoy siya’t mahabang magsalita. Pero grabe ang kanyang pagkakatanda sa mga datos, at sa kalaunan, kapag ika’y pasensyosa, makikita mo ang espesyal na pagkakatagni-tagni ng kanyang mga sinsabi at lalo mong mananamnam na isa siya sa pinakamakaranasang tao na iyong makikilala.
At muli, sa pagbisita sa kanya sa Philippine Heart Center kung saan mahigit isang taon siyang itinengga ng gobyernong Arroyo–nagdala kami ng maraming mga DVD na di pala niya mapapanood dahil walang player. Palakad-lakad siya, nag-eehersisyo sa makitid na corridor ng ospital nang aming madatnan. Nakakagalit na makita siyang ganoon. Pero buhay na buhay pa rin siya, ang kanyang kuwarto parang opisina ng MO, natatakpan ng mga poster ang dingding, at maraming mga babasahin.
Tulad ng nababanggit ng marami, napaka-tipikal kay Ka Bel maging ang paraan ng kanyang pagkamatay. Obrero hanggang sa dulo. Parang tuloy hindi totoo. Sino nga bang mag-aakalang nandiyan pa si Arroyo, si Ka Bel wala na? Sana’y laging maalala ng publiko ang panggagago ng Pangulo sa isa sa pinakamagiting na mga bayani ng ating panahon.
Bukas, simula na ang dagsa ng mga tao para makita si Ka Bel, sa huling pagkakataon. Laksa-laksa ang mga iyan, kabilang marahil ang mga pulitikong ni hindi nga karapat-dapat sa karangalang nakatrabaho nila si Ka Bel. Mapupuno ang simbahan ng IFI, maghahalo ang amoy ng pulutong at mga bulaklak. Hindi titigil ang pagbuhos ng mga salita ng pag-aalala, pagpupugay, pangangako ng pagpapatuloy ng iniwang laban ni Ka Bel.
Tulad ng mga pahina ng aming dyaryo, limitado ang mga araw ng parangal. Lalo sa mga pagkakataon ng biglaang pagkamatay, parang lubhang napakaigsi ng oras. Pero hindi mauubusan ng sisidlan ang kanyang diwa. At ang kanyang alala, panghabangpanahon gaya ng pagbabago’t rebolusyon. MABUHAY KA, KA BEL!
Entry Filed under: People. .
1 Comment Add your own
Leave a Comment
Some HTML allowed:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <pre> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>
Trackback this post | Subscribe to the comments via RSS Feed

1.
krguda | May 22, 2008 at 7:51 am
ayos. naalala ko rin, may hiniram kang dvd sa akin, yung “the girl in the cafe.” matagal na panahon ang nagdaan. nang naalala kong kumustahin sayo yung dvd, sabi mo, “ay kasama yun sa mga nabigay namin kay ka bel sa heart center!” hehe.