Incoming Anakpawis Rep. Rafael Mariano on the Genuine Agrarian Reform Bill
This is the transcript of my interview last year with incoming Anakpawis Rep. Rafael “Ka Paeng” Mariano on the Genuine Agrarian Reform Bill (Garb) or House Bill 3059, filed by late Anakpawis Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran. Ka Paeng will soon replace Ka Bel in Congress. An equally brilliant and dedicated legislator and mass leader, Ka Paeng really is the voice of the millions of landless farmers in the country (Like Ka Bel, he can give a complete and earnest 30-minute answer to one question). The anniversary of the Comprehensive Agrarian Reform Program (Carp) is forthcoming, and Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chapters nationwide have started their campaign against Carp’s extension and for Garb’s passage instead. Here’s why:
PW: Anong kaibahan ng Garb sa Carp?
Mariano: Ito ay pusupusan at tunay na reporma sa lupa. Bunga ito ng naging matagumpay na konsultasyon sa hanay ng organisadong mga magsasaka katulad ng KMP, Amihan, UMA (Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura), at Pamalakaya (Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya). Malaki ang kaibahan nito pangunahin sa sasaklawin ng programa. Sasaklawin ng programa unang-una yung malalaking lupang nasa monopolyong kontrol pa rin ng malalaking panginoong maylupa sa bansa. Kasama na rito ang mga lupaing nasa kontrol pa rin ng malalaking agrocorporation lalo na ng mga dayuhan na kalakhan matatagpuan sa isla ng Mindanao. Kasama sa coverage ng bill na ito kahit yung mga lupaing naitakas sa saklaw ng huwad na Carp. Marami kasing mga loopholes yan na kumbinyenteng ginamit at ginagamit ng mga panginoong maylupa para makaiwas sa makitid na saklaw ng Carp.
Halimbawa yung mga lupaing nai-exempt dahil sa mga order at exemptions na nilabas ng DAR (Department of Agrarian Reform), Darab (DAR Adjudication Board), at ng korte. Yung mga lupaing nanatili sa kamay ng mga landlord dahil sa pag-avail ng kanilang right to retain yung holdings. Yung mga lupa at magsasakang saklaw ng inisyung order for land conversion, order ng ejectment, kinanselang certificate of land ownership at emancipation patents. Yung mga lupag nababawi sa magsasaka dahil sa iba’t ibang kaparaanan o kaya hindi lang makabayad ng amortisisasyon. At yung mga lupaing talagang hindi nakasama, na hindi inirehstro ng mga nag-mamay-ari nito doon sa ginanap na land registration noong 1988. At yung mga lupa na kusang itinakas ng mga land owner sa saklaw ng Carp bago pa man magkabisa ang Carp noong June 15, 1988 at idinivide na sa kanilang mga kapamilya. Pati na yung mga binawi na mga lupa, ng mga non-land transfer schemes tulad ng stock distribution option. Isasama yon sa mga sasaklawin ng panukalang batas para sa tunay na reporma sa lupa.
At siyempre nariyan din ang prinsipyo ng libreng pamamahagi ng lupa sa magsasaka. Eh ngayon kailangan magbayad ng amortization na napakataas. Ang nagtatakda lang ng land valuation ay ang DAR, sasang-ayunan ng Landbank at pinapatungan pa ng interes, na walang partisipasyon yung mga magsasaka doon sa valuation process, yung mga magsasaka na malaon nang nagsasaka sa lupa, na sila naman ang nagpaunlad niyan. Karamihan ng mga lupain sa atin nakuha nila sa pananakot, pandaraya, pandarahas, at pangangamkam. Doon sa mga may-ari ng lupa na nagpapabuwis, na target saklawin ng programang ito, kung meron silang ipinuhunan, dahil sa ilang beses nilang pyudal na pagpiga ng land rent, ilang beses na rin naman itong naibalik sa kanila. Kaya hindi na dapat pagbayarin o singilin pa ng amortisisasyon ang mga magsasaka. Kaya nga prinsipyo ito ng libreng pamamahagi ng lupa bilang sentral na nilalalaman ng isang batas sa tunay na reporma sa lupa.
Gayundin ang laman niyan, no retention. Walang ititira, lalo na yung malalaking despotikong maylupa hanggang ang lupa ay mayroong magsasaka…Naglalayon talaga itong batas na ito na basagin ang monopolyong kontrol sa lupa ng iilan at maipamahagi ito ng libre sa mga magsasaka. Hindi natin papayagan ang non-land transfer schemes na kung tutuusin corporate landgrabbing tulad ng leaseback agreement, SDO, profit and production sharing scheme. Yan ay iskema para makalusot at makatakas sa anumang reporma sa lupa.
Kahit yung undistributed sa ilalim ng Carp na inihihingi nila ng extension, sabi nila 1.4 M hectares. Sasaklawin na yan ng tunay na reporma sa lupa, hindi na ng huwad na Carp.
May ilang konsiderasyon lang tayo sa mga maliliit at katamtamang laki na nag-aari ng lupa at mahusay naman ang pagtrato sa magsasaka o manggagawang-bukid, walang track record ng pagiging despotiko, pandarahas, at pamamaslang sa mga magsasaka. May ibang konsiderasyon lang na kinakailangan in terms of priority and coverage ng immediate land appropriation and distribution.
Sa mga lugar na hindi pa masasaklaw ng programa, dapat yung signipikanteng pagpapababa ng upa sa lupa, pero malaunan dapat saklawin din.
Ang isa pang kaibahan nito, maikli lang ang period ng iplementasyon. Kung limang taon, limang taon lang. Hindi extendible. Hindi katulad ng Carp na after 20 years hihingi ng extension ng 10 years eh di magiging 30 years na. Magbubunyi ang mga panginoong maylupa na makakatakas at makakatakas pa sa programang yan. Alam nilang hindi sila matatamaan ng Carp kasi nakaligtas na sila eh. Pero matatakot yan sa bagong batas na an layunin ay saklawin ang lupa nila at mga magsasaka na nasa lupain nila na nasa kanilang kontrol. Walang pacing pacing ito. Kung may uunahin, yan yung malalakihan tulad ng lupain ni Danding (Cojuangco), Hacienda Luisita, isasama natin pati yung mga lupain ng mga military reservation kuno pero may mga magsasaka at produktibo, yung mga lupaing may actual occupants tulad ng sa CMU (Central Mindanaoo University). Ilang beses na mas malaki ang mga ito kaysa saklaw ng Carp in terms of lupain at in terms of bilang ng mga magsasaka. Ito ay tunay na komprehensibo kasi lahat ng dapat masaklaw, sasaklawin ng batas na ito. Hindi tokenism o pakitang-tao lang.
Yung mga magsasaka, hindi mabibigatan dahil libreng pamamahagi ng lupa. Kung hindi na magbabayad ng amortisisasyon ang mga magsasaka at kalakhan ng kanilang ani ay sa kamay nila mapupunta, ibabalik nila ulit yan sa produksyon. Hihikayatin ang mga magsasaka at benepisyaryo na magbuo ng mga kooperatiba, asosayon, unyon ng mga manggagawang bukid sa mga plantasyon at hacienda. Dapat hikayatin sila na palakasin pa ang mga kooperatiba at unyon, at kung handa na sila, maaaring yun ang porma ng pag-aari. Kung hindi man sa kagyat, ang bahagi ng lupaing sasaklawin, ayon sa kanilang kapasyahan, ay isasailalim sa sama-samang pagbubungkal. Para mapaliit din ang gastos sa produksiyon. Ang badyet sa kalakhan ay para sa suporta sa produksiyon, hindi yung badyet para bayaran yung mga asyendero o panginoong maylupa.
Kitang-kita ang malaking kaibahan nito sa huwad na reporma sa lupa na Carp. Magmula sa period of implementation, na maikli lang, hanggang sa moda ng pag-aacquire, kailangan compulsory acquisition at distribution. Ang tanong, lulusot ba ito? Maipapatupad ba ito sa isang Kongreso lalo na ang mga kongresista kung hindi man tuwirang panginoong maylupa ay nagtataguyod ng makauring interes ng panginoong maylup, komprador, at dayuhan? So wala tayong ganoong malaking ilusyon na ito ay maisasabatas. Ang mahalaga dito ay mailayo natin ang mga magsasakang naloloko pa at nalilinlang pa ngayon ng gobyerno na sa pagitan ng Carp at extension ng Carp ay makalalaya sila sa kanilang lupang sinasaka. Kaya masigasagig na impormasyon at edukasyon yan, pagmumulat sa kanila. Pag-oorganisa at pagpapakilos sa kanila. Mailihis din natin ang magsasakang nalilinlang, napapatahak sa linyang repormismo at oportunismo. At maipakita, matanggap, at mayakap nila ang isang tunay na reporma sa lupa.
Mahalaga lang na maitulak ang Kongreso na pag-usapan. May malaking papel ang kilusang magsasaka sa pagsusulong nito at pagkuha nila ng suporta at simpatiya ng iba pang sektor sa loob at maging sa labas ng bansa. Lalo ngayong mas malakas ang moral, sosyal, ekonomikal, at pulitikal na batayan at pangangailangan para ipatupad ang isang tunay at puspusang reporma sa lupa. Ngayon na. Hindi na kailangan pang i-extend ang matagal nang pagpaliban ng pagpapatupad nito.
PW: Bakit gusto i-extend ng gobyerno Carp?
Mariano: Magtatagumpay sila sa panloloko at panlilinlang. Sabihin nila naipamahagi na lahat ng lupa. Sasabihin nilang nagtagumpay na tayo, ang kailangan lang tapusin. Hindi lang kailangan tapusin ito ngayon, kailangan i-extend. Pagdating ng panahon na yon, inaasahan marahil nila na kaya na nilang mapatanggap sa nililinlang nilang mga magsasaka na tapos na ang reporma sa lupa. Kailangan na lang ngayon ay para sa suportang serbisyo. Pero nalutas ba ang pundamental na problema ng milyung-milyong magsasaka at manggagawang bukid lalo na yung maralita na kawalan ng lupa pa rin ang pundamental na problema? Hindi. Nalulutas ba ang social conflict at armed conflict sa ating bansa na kung titingnan natin ay nag-uugat sa problema ng kawalan ng lupa dahil nananatili ang monopolyong kontrol ng iilang may-ari ng lupa? Kaya yung paghanap din ng pangmatagalang kapayapaan sa ating bansa mananatiling mailap. Kung saan malakas ang mga organisasyong magsasaka, dinudurog, pinapaslang. Historically sa ating bansa, nagpapatupad ang reaksiyunaryong gobyerno ng reporma sa lupa na deceptive kung kailan lumalakas ang paglaban, paggiit ng mga magsasaka, nagsusulong ng karapatan para sa lupa at tunay at puspusang reporma sa lupa. Kaya naoobliga ang gobyernong reaksiyunaryo sa pamamagitan ng kanyang Kongreso na karamihan ay mga panginoong maylupa din na magsabatas ng isang huwad na reporma sa lupa at yan ang kinakatawan ng Carp.
Gusto rin ito ng US dahil ang mga lupain ngayon ay nakatakas sa tunay na reporma sa lupa. Ang gobyernong papet, inilalako na gawing agribusiness na magsusuplay sa pagangailangan ng kanyang merkado. Kaya nasa interes din ng US na walang malakas na kilusan ng magsasaka, na walang tunay na kilusan ng pagbabago sa bansa na ang sentral na programa nila sa pagbabago ay pagpapatupad ng tunay at puspusang reporma sa lupa. Kaya nga ayaw nilang matuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDF (National Democratic Front of the Philippines) at GRP kasi pumapasok na sila sa social and economic reforms, nandiyan na eh. Yung agrarian reform at rural development, bahagi ng SER na yon. Kaya walang maaasahan ang mga magsasaka kundi ang magtayo sila ng samahan, lumahok sa pakikibakang anti-pyudal at anti-imperyalista, at isulong pahakbang-hakbang ang ganitong klase ng tunay at puspusang reporma sa lupa. Yung historical injustice mare-rectify mo lang yan kung maipatupad mo itong tunay at puspusang reporma sa lupa.
Hindi maipapatupad ang reporma sa lupa kundi rin maipapatupad ang pambansang industriyalisasyon. Hindi pwedeng mawala yung isa. Magkakaroon lang tayo ng tunay na pag-unlad kung may tunay na reporma sa lupa. Kasi diyan ka kukuha ng means of subsistence ng mga mamamayan. Diyan ka kukuha ng raw materials mo ng industry sector. Diyan ka kukuha ng surplus labor force mo na kailangan ng sektor ng manupaktura. Kapag maunlad na agrikultura at yung sistema ng kolektibismo at mekanisasyon, magkakaroon yan ng surplus labor force. Yun naman ang susuplay sa industriya.
Hindi uunlad ang agrikultura kung hindi ito itatrato na very foundation of our national economy. Ang mga magsasaka rin bilang pangunahing produktibong puwersa, kapag maunlad na ang kabuhayan, may mataas na purchasing power, lumalaki ang demand, nagsisilbi silang merkado rin ng produkto ng industriya. At anumang ipataw mo (na buwis) sa malaunan, malaki ang maitutulong noon sa pagkuha ng kapital na kailangan naman sa sariling pag-unlad ng agrikultura at industriya.
P.S. (An insightful article on the Carp extension was published in Pinoy Weekly this week, containing data on the shortfalls of DAR’s land distribution despite the huge funds, some even foreign-sourced, that the government spent for Carp.)
Add comment June 4, 2008