Bukas na liham sa mambabasa ng Pinoy Weekly*

June 18, 2008 at 11:16 am 1 comment

Mahal kong mambabasa,

Simula ngayong linggo, ititigil muna namin ang paglalabas ng dyaryong inyong tinangkilik sa nakaraang anim na taon. Isa itong masakit na desisyong ibinunga, hindi ng pagkasawang maglingkod sa inyo, kundi ng krisis pang-ekonomiyang sumasaklob sa buong bansa. Sadyang hindi kayang mabuhay, sa ngayon, ng isang progresibong pahayagan na inuuna ang hangaring makapagsilbi sa interes ng malawak na mardyinalisadong mga mamamayan kaysa sa interes ng kapital, o ng iilang nakagiginhawa na’t dominante pa rin ang makasariling tinig sa mass media.

Sabi nga nila, isang tinig ang nananahimik tuwing nagsasara ang isang dyaryo. Sa aming kaso, tinig ninyo–mga manggagawa, magsasaka, maralitang lungsod, kababaihan, estudyante, migrante, empleyado ng gobyerno at ng iba pang batayang sektor na nagpapatakbo ngunit siya ring inaapi’t inaalipin sa lipunan–ang mawawala.

Hindi ito tuluyan, dahil ipagpapatuloy namin ang paglalathala ng parehong de-kalidad na mga artikulo sa aming website. Pero sa bansa nating atrasado pa, mapagkumbaba kong aaminin, limitado ang saklaw na naaabot ng internet. Marami sa inyo, marahil, hindi nakakaharap sa kompiyuter dahil subsob sa pangaraw-araw na paghahanapbuhay o di kaya sa samu’t saring pakikibaka. Gayunpaman, ang kahit anong lagusan ay dapat samantalahin. Ineengganyo ko kayong buksan ang http://www.pinoyweekly.org tuwing may panahon at pagkakataon.

Simula’t sapul, malinaw ang layunin ng dyaryong ito: na maging dyaryo ng masa at para sa masa. Kailanman hindi namin kayo itinrato, gaya ng mainstream na mass media, na balon na maaaring pagkakitaan o mga utak na kayang paikutin para paigtingin pa ang elitistang kontrol sa lipunan. Narito kami para magmulat at magpakilos para sa pagbabagong hangad nating lahat.

Kaya’t tunay na nakabibiyak ng puso ang mawalay sa inyo, lalo sa panahon ngayon ng napakatinding krisis na pang-ekonomiya’t pampulitika–sama-sama sana nating binabagtas ito tungo sa mas malalim na pagkakaunawa at pakikisangkot bilang mga mamamayan. Pero maging kami ay biktima ng pananalasa ng nasabing krisis. Ang kalayaan sa pamamamahayag ay tulad din ng kalayaan ng bayan–huwad, dahil para lamang sa iilan na may kapangyarihan sa bisa ng kapital, at hindi ng prinsipyo.

Gayunpaman, nais kong pasalamatan kayo. Ang anim na taon kong pagsusulat para sa dyaryong ito ang bumubuo sa gulugod ng aking pagkatao. Marami akong natutunan sa paglangoy kapwa sa hanay ninyo at sa mga institusyon ng gobyernong dapat naglilingkod sa inyo. Bilang mamamahayag, nakita ko ang samu’t saring mukha ng pang-aapi at pagpapahirap sa mga mamamayan ng Estado na naninikluhod lamang sa mga negosyante’t dayuhan. Sa kalakhan, mahilig ito sa palusot sa kalokohan, paliwanag sa kapalpakan, pagpapabango sa sitwasyon, pagbibida ng kasinungalingan, at pandarahas sa paglaban.

Hindi mo kailangang maging mamamahayag para makita ito. Pero kailangan mong maging mamamahayag para maipaliwanag ito sa paraang magaang pero malaman at komprehensibo; at sa paraang lumilitaw at nararamdaman ang konkretong epekto ng mga usaping pambansa sa inyong sari-sariling buhay.

Pinakamasarap sa trabahong ito ang pakikisalamuha sa inyo–ang mapayaman ng inyong buhay at pakikibaka tuwing naririnig ang tungkol sa inyong mga sakripisyo, daing, pagsusumikap, at pangarap. Ang aking pagmamalasakit, pagmamahal, at higit sa lahat, pagpupugay sa inyong diwang palaban ang linggu-linggo kong sinubok patagusin sa mga sulatin (sa anyo man ng suring-balita, lathalain, o simpleng balita) at larawan.

Hinugutan ko ng mahahalagang aral ang mahaba-haba ring karanasan ng peryodismo para sa taumbayan. Kung nagkulang man ako, asahan ninyong pagsusumikapan ko, at ng iba pang manunulat ng Pinoy Weekly, na lalong magpahusay sa pagpapaabot sa inyo ng mga impormasyon at pagsusuring sandata para sa ikauunlad at ikalalaya ng bayan. Nawala man ang dyaryo, nariyan pa rin kami sa alternatibong espasyong tinatawag na cyberspace, o kung hindi man, sa mga larangang makapag-aambag pa rin sa kilusan para sa panlipunang pagbabago.

Hindi lamang ang tradisyunal na tungkuling maglabas ng mga katotohanan ang aming tinanganan sa Pinoy Weekly. Higit pa rito, naniniwala kaming ang aktibong pagpanig sa inyo, na tagapamandila di lamang ng katotohanan kundi maging ng katuwiran, ang pinakamataas na tungkulin (at karangalan) para sa isang mamamahayag. Muli, maraming salamat sa pambihirang pagkakataon. Anu’t anuman ang mangyari, umasa kayong uusbong at uusbong pa rin ang isang pahayagang matapat, mapanuri, at makabayan, dahil ito ang inyong hinihingi at nararapat sa inyo.

Ilang-Ilang D. Quijano (Manunulat at Online Editor, Pinoy Weekly)

* Inilathala sa Pinoy Weekly, Bolyum 7 Blg. 23, Hunyo 18 – 24, 2008

Advertisements

Entry filed under: Journalism, Personal stuff.

Incoming Anakpawis Rep. Rafael Mariano on the Genuine Agrarian Reform Bill The relevance of journalists’ safety

1 Comment Add your own

  • 1. drummer  |  June 19, 2008 at 4:41 am

    sayang. malaking kawalan ang pinoy weekly sa hanay ng malaya at progresibong pag-uulat, pagsusuri, at pagmumulat sa masang inaapi at hikahos.

    sana’y muling maibalik ang print version ng pinoy weekly. nakakamiss ang magbasa ng inyong pahayagan.

    mabuhay kayo.

    Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

Trackback this post  |  Subscribe to the comments via RSS Feed


RSS Pinoy Weekly Online

  • An error has occurred; the feed is probably down. Try again later.

Categories


%d bloggers like this: